top of page

INTERNATIONAL HUMAN RIGHTS DAY: STATEMENT OF THE UPD UNIVERSITY FRESHIE COUNCIL

Updated: Jun 10, 2022

IPAGLABAN ANG KARAPATANG PANTAO!


Sa kabila ng pandemya, patuloy pa ring dumarami ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga Pilipino dulot ng marahas na rehimeng Duterte. Ang madugong pamamalakad ng “war on drugs,” pagpasa ng Anti-Terror Law, at pagtatag ng NTF-ELCAC ay ilan lamang sa mga manipestasyon ng patuloy na pang-aapi ng gobyerno sa masa at ang pagmanipula ng saligang batas upang paboran ang kanilang paniniil. Talamak rin ang kaso ng panreredtag, maling pag-aresto, at pagpapaslang sa mga kabataan, mamamahayag, abogado, estudyante-lider, aktibista, manggagawa, magsasaka, at iba pa.


Malinaw sa mga ito na walang balak ang administrasyon na proteksiyunan at ipaglaban ang karapatan nating mga mamamayan. Walang tiyak na ligtas mula sa hagupit ng mga armadong militar kundi ang mga pawang kakampi lamang ng pangulo at mga naghaharing-uring kaalyado niya. Hindi kailanman magiging makatarungan ang daan-daang mga inosenteng buhay na nasawi sa ilalim ng samutsaring kaso ng pagpatay, na ikinakatwiran pa bilang “nanlaban,” “may armas,” o “komunista” — mga paratang na wala namang basehan at hindi makatotohanan.


Ngayong International Human Rights Day 2021, ang UPD University Freshie Council ay katuwang sa laban upang isulong ang ating mga karapatang pantao. Tayo, bilang isang komunidad ng Freshies, Shiftees, at Transferees ng Bayan, ay manindigan kasama ang masa at ating ipanawagan ang pagpapaigting sa mga karapatang patuloy na niyuyurakan at tinatapakan ng pasismo at mapang-abusong rehimeng ito. Sama-sama tayong magkaisa at ipaglaban ang ating mga karapatang pantao!

Comments


bottom of page