PAHAYAG NG UP DILIMAN UNIVERSITY FRESHIE COUNCIL NGAYONG PRIDE MONTH
- UPD UFC
- Jun 1, 2022
- 2 min read
MAKIBEKI! ‘WAG MASHOKOT! MARCOS-DUTERTE IWAFAZ!
Ngayong Hunyo, ipinagdiriwang natin ang Pride Month, kung saan ang malawakang sektor ng LGBTQIA+ nakikibaka laban sa mga inhustisya, pang-aapi, at pagtapak sa kanilang karapatan.
Ang diskriminasyong ito ay siyang nakaugat sa ating macho-pyudal na lipunan, at mananatili itong umiiral kung hindi natin ito lalabanan, hindi lamang sa pagwagayway ng mga banderang may mga kulay ng bahaghari kundi pati sa ating pagtindig laban sa mga kinagawiang esteryotipo bunga ng patriyarkal na kaisipan. Ating tatandaan na sa pagsapit ng panibagong administrasyon ay nananatili pa rin ang mga banta laban sa karapatan ng masang Pilipino, kabilang ang mga banta sa sektor ng LGBTQIA+. Kailanman ay hindi kabilang ang interes ng mga LGBTQIA+ sa pamamahala ng pasistang mga lider, sapagkat sila mismo ang mga nagpapairal ng mekanismo ng macho-pyudal na lipunang ating ginagalawan. Ang pagproklama sa tambalang Marcos-Duterte ay tahasang pagyurak sa lahat ng ipinaglalaban ng sektor ng mga LGBTQIA+ at ng iba pang mga minorya’t api sa nakaraang anim na taong administrasyon.
Nakikiisa ang UP Diliman University Freshie Council sa pagdiriwang ng mga LGBTQIA+ at ubos-lakas na ipinaglalaban ang isang lipunang malaya at mapagpalaya para sa lahat. Ating kinikilala ang naging kontribusyon at impluwensya ng pakikibaka at pag-organisa ng sektor na ito tungo sa sistematikong pagbabago, hindi lamang para sa kanilang karapatan, kundi para na rin sa pagpuksa ng opresyon na nararanasan ng karamihan, ito man ay nasyunal o internasyonal. Mula noon hanggang ngayon, ang Pride ay mananatiling isang protesta, pagkilos, at paglaban.
Tinatawag namin ang mga FST ng Bayan na tumindig, makihanay, at makiisa sa labang ito para sa pantay-pantay na pagtingin sa kapwa at sa pagbuo ng lipunan kung saan ang sinuman ay walang takot na makapagpapahayag ng kanilang oryentasyon nang walang bahid ng diskriminasyon.
Reference:
Image: ABS-CBN News



Comments