top of page

PAHAYAG NG UP DILIMAN UNIVERSITY FRESHIE COUNCIL PARA SA IKA-124 NA ARAW NG KALAYAAN

Sa Manlulupig, 'Di Kailanman Magpasisiil!

Lumipas man ang ika-124 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, ang tunay na kalayaan ay ‘di pa rin nakakamit.

Kamakailan ay nakalaya na ang walumpu’t tatlong mga indibidwal, na siyang binubuo ng mga magsasaka, mamamahayag, at iba pang mga aktibista, matapos ang di-makatarungang pag-aresto sa kanila sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac, arestong umabot ng tatlong araw.

Samantala, isang daan at dalawampu’t apat na taon na ang nakalilipas nang itinaas ang bandila ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Tatlumpu’t anim na taon naman ang nagdaan mula ang paglaya ng bansa mula sa kamay ng diktadurya ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. Ang pagkamit ng parehong mga tagumpay na ito ay bunga ng rebolusyon na nagliyab mula sa taon-taong pagtitiis ng masang Pilipino sa ilalim ng mga opresibo at mapaniil na administrasyon.

Subalit, ang kalayaang ating tinatamasa ay hindi pa tunay na nakakamit. Sa darating na Hunyo 30, isa na namang Marcos, ang angkang pinatalasik at siyang nagbunga ng kalayaang ating pinagdidiriwang hanggang ngayon, ay uupo bilang presidente ng Pilipinas. Samantala, isa na namang Duterte ang walang-hiyang papasok sa ating pamahalaan, ngayon naman bilang bide-presidente. Maliban sa pagiging isang malaking banta nito sa kahihinatnan ng Pilipinas sa susunod na anim na taon, ang pag-upo nila sa pwesto ay isang kalapastanganan sa kalayaang ubos-lakas na ipinaglaban ng mga rebolusyonaryong nagdaan.

Kaya naman, ating palakasin pa lalo ang apoy ng aktibismo na nagsiklab at patuloy na nag-aalab mula noon hanggang ngayon. Ang paglaya ng Tinang 83, pagwagayway ng bandila sa Kawit, at ang EDSA People Power ay patunay na ilang araw, dekada, o siglo man ang lumipas, kapit-bisig nating itutuloy ang laban nating mga Pilipino tungo sa isang malaya at mapagpalayang Pilipinas!

Comments


bottom of page