top of page

REMEMBERING PEOPLE POWER: NEVER FORGET, NEVER AGAIN!

Updated: Jun 10, 2022

Sa buwan ng Pebrero, naganap ang ilan sa mga pinakatanyag na pagkilos laban sa diktadurang Marcos. Kabilang na rito ang EDSA People Power Revolution noong 1986 na siyang tumuldok sa higit dalawang dekada ng lantarang opresyon at korapsyon sa kamay ni Ferdinand Marcos, Sr. Ngunit sa parehong buwan nitong taon lamang, nagbaba ang Commission on Elections (COMELEC) ng isang desisyong maaaring maging tulay sa pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan. Sa botong 2-0, ibinasura ng unang dibisyon ng COMELEC ang mga inihaing kaso laban sa kandidatura ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. dahil sa kawalan umano ng matibay na ebidensya. Iba't ibang indibidwal at organisasyon ang nagsampa ng petisyon upang harangin ang pagtakbo ni Marcos Jr. dahil sa hindi pagbabayad ng buwis noong siya ay lokal na opisyal pa lamang sa Ilocos Norte– isang krimeng may karampatang parusang diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang puwesto sa pamahalaan. Ang desisyong ito ay inalmahan ng karamihan, kabilang na si retired COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na siyang duminig sa kaso noong siya ay Presiding Commissioner ng unang dibisyon ng COMELEC.


Lubos na nakadidismaya at nararapat na kundenahin ang desisyon ng COMELEC sapagkat hindi makatarungan ang pagsawalambahala nito sa mga petisyon at panawagan laban kay Marcos Jr., na sa napakatagal na panahon ay lantarang umabuso sa kanyang kapangyarihan at impluwensya upang takasan ang mga batas na siya mismo, bilang isang pampublikong opisyal, ang dapat na pangunahing tagasulong at tagaprotekta.


Kagalit-galit na bunga ng arbitraryong pagpayag ng isang komisyong baluktot at sunud-sunuran, dahil lamang sa iilang teknikalidad, mabibigyang-daan muli ang pagbabalik ng isang dinastiyang minsan nang madugong sinibak ng mga Pilipino noong 1986, pati na rin ang pagpapatuloy ng pasistang pamumuno ng kasalukuyang administrasyon.


Ngayong araw ng pagdiriwang ng ika-36 na anibersaryo ng EDSA People Power, mariing kinukundena ng UP Diliman University Freshie Council, kasama ang mga Freshies, Shiftees, at Transferees ng Bayan, na maulit ang isang mapanlinlang, opresibo, at ‘di makataong pamumuno ng Pilipinas sa ilalim ng isa na namang Marcos. 𝗔𝗻𝗴 𝗺𝘂𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴-𝗮𝗻𝗴𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝗱𝗶𝗻𝗮𝘀𝘁𝗶𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗶𝘁𝗼 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗽𝗮𝗻𝗴𝘆𝗮𝗿𝗶𝗵𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗺𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮 𝗮𝘆 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗯𝗮𝘀𝘁𝘂𝘀𝗮𝗻 𝗮𝘁 𝗽𝗮𝗴𝘄𝗮𝘄𝗮𝗹𝗮𝗺𝗯𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗻𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝘀𝗶𝗴𝗮𝘄 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝘀𝗮 𝗻𝗼𝗼𝗻— 𝘀𝗶𝗴𝗮𝘄 𝗻𝗮 𝗵𝗶𝗴𝗶𝘁 𝘁𝗮𝘁𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗱𝗲𝗸𝗮𝗱𝗮 𝗺𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗹𝗶𝗽𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗮𝘆 𝗺𝗮𝗹𝗮𝗸𝗮𝘀 𝗽𝗮 𝗿𝗶𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗿𝗶𝗿𝗶𝗻𝗶𝗴 𝗮𝘁 𝗶𝘀𝗶𝗻𝘂𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗵𝗮𝗻𝗴𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗴𝗮𝘆𝗼𝗻. Ating tutulan ang tambalang diktator na Marcos-Duterte at sama-samang palakasin ang boses ng People Power!


Image Source: scoutmag.ph

Comments


bottom of page