top of page

STATEMENT OF UP DILIMAN UNIVERSITY FRESHIE COUNCIL FOR LABOR DAY

Mabuhay ang Uring Manggagawa!


Anim na taong paghihikahos ang dinanas ng manggagawang Pilipino sa ilalim ng pahirap at bulok na tugon ni Duterte, mula sa kanyang binitiwang mababangong salita na siya raw ang magwawakas ng Endo rito sa bansa, hanggang sa lantarang kapabayaan nito para sa kapakanan ng uri, at sa banta ng pandemya. Iniwan ng estado ang kanyang tungkuling pangalagaan ang kapakanan ng kanyang manggagawa, na higit sa ngayo’y lalo pang naghihirap sa patuloy na lumalalang pambansang sitwasyong pulitikal at panlipunan.


Ngayong pandaigdigang araw ng manggagawa, malinaw ang hamon na kailangang tumindig para sa uring manggagawa. Ito ang panahon upang lalo pang sinsinin ang hanay at pagsandig sa sariling lakas nito bilang isang uring patuloy na inaapi at pinagsasamantalahan. Malinaw na walang pagpapahalaga ang estado sa kanyang manggagawang nagtataguyod ng ekonomiya, mula pa lamang sa lantarang pagpapabitiw sa manggagawang Pilipino dulot ng Endo, hanggang sa patuloy na banta sa mga BPO workers na sila’y tanggalan ng tax break kung hindi bumalik on-site. At ang lahat ng ito’y sa gitna ng lumalalang krisis sa pagsilakbo ng presyo ng langis at ng mga bilihin. Mula sa sariling lakas ng manggagawa ay siyang kung saan din manggagaling ang kolektibong pag-aklas nito mula sa pananamantala ng iilang sakim.


Patuloy tayong mga Freshies, Shiftees, at Transferees ng Bayan na humahanay at tumitindig kasama ang pandaigdigang pwersa ng uring manggagawa. Ipagpatuloy ang pagpupunyagi laban sa pagpapahirap at pananamantalang ginagawa sa kanila. Ating isulong ang interes ng uri at palakasin ang ating sigaw para sa pambansang pasahod na 750 Pesos at ang pagwawakas ng kontraktwalisasyon. Mangahas, makibaka, kasama ang uring manggagawa mula sa Pilipinong manggagawa, hanggang sa pandaigdigan!

Image: Kilusang Mayo Uno; UMANI Productions

Comments


bottom of page