WAKASAN ANG PAG-ATAKE SA MGA IP! PROTEKTAHAN ANG LUPANG NINUNO!
- UPD UFC
- Apr 20, 2022
- 2 min read
Kahapon lamang ay naiulat ng Partido Lakas ng Masa ang isang insidente ng pamamaril sa naging pagtitipon ng tumatakbong presidenteng si Ka Leody De Guzman at ng mga lider ng mga Manobo-Pulangiyon sa Brgy. Butong, Quezon, Bukidnon Province. Bagama’t ligtas ang kampo ni De Guzman ay mayroong mga magsasaka at katutubong lider na napahamak at nasugatan ng bala sa insidente.
Ang naging pagtitipon ay upang mapakinggan ang mga hinaing ng komunidad ng Lumad ukol sa kanilang karapatang mamuhay sa Sitio Kiantig, bagay na sinasalungatan ng Kiantig Development Corporation. Simula pa lamang noong taong 2017 ay sapilitan na silang pinapaalis mula sa lupaing ito at halos isanlibong miyembro na ng mga Manobo-Pulangihon ang pinaalis mula sa kanilang mga tahanan. Ito ay isang primarya ngunit hindi na bagong ehemplo ng pagpupuksa sa mga katutubo o mga grupo ng Lumad mula sa kanilang lupain ng mga malalaking kapitalistang korporasyon at kumprador upang pairalin ang interes ng mga naghaharing-uri, na siyang nakasisira rin sa yamang-likas ng bansa. Sila ay lantarang gumagamit ng dahas habang binabantaan ang buhay ng mga Lumad upang makamit ang kanilang ninanais nang walang pagsaalang-alang sa karapatan ng iba.
Mariing kinukundena ng UP Diliman University Freshie Council ang patuloy na pag-agaw ng mga kapitalista sa lupang ninuno ng mga katutubong Pilipino at ang paggamit nila ng puwersa, parehong pribado at galing sa estado mismo, upang maisakatuparan ang kanilang maitim na hangarin. Ngayong nalalapit na halalan ay mas kinakailangang palakasin pa ang mga kampanya ng mga pambansang minorya gaya ng mga Lumad, pagkat ang mga pambansang minorya ay tunay na dapat pinagtutuunan ng pansin at hindi lamang nagiging adhikain mga kandidato kung kailan lamang sila nangangampanya.. Lubhang nakagagalit na hindi na bago ang mga insidenteng ganito sa buhay ng mga indigenous peoples at sa mga taong humahanay at tumitindig para sa kanilang mga karapatan. Matagal na itong gawain ng mga korporasyon at isa lamang ito sa napakaraming mga kaso ng dahas at pagpupuksa sa mga Lumad. Hindi dapat nauuwi ang mga ganitong pagpupulong - mga payapang abenida ng pakikinig sa daing ng masa - sa karahasan. At hindi rin kailanman magiging tama ang pangungupit ng mga maramot na korporasyon at mga iilang sakim na naghaharing uri ng lupain ng libo-libong mga Lumad na siyang naglilinang at pumoprotekta sa mga lupaing simula't sapul nama’y pagmamay-ari nila.
Ang ating sigaw ay wakasan ang pag-atake sa mga IP! Isulong ang karapatan ng Lumad!
Sanggunian:
Bolledo, J., & Gallardo, F. (2022, April 19). 5 hurt as shots fired during Bukidnon activity of De Guzman. RAPPLER. https://www.rappler.com/.../gunshots-fired-bukidnon.../
Image: the jfa human rights journal (2021, February 21)



Comments